20 December 2011
Nasa atin at sumasa-atin ang Diyos (Isang pagninilay sa ika-limang araw ng Misa de Gallo)
Isang homiliya na ibinigay noong ika-limang araw ng Misa de Gallo sa Santo Cristo de Las Pinas Parish
senyas. mahilig tayo sa mga senyas. ang mga senyas ay nagpapahayag o magtuturo ng mga bagay na higit pa rito. mahilig tayo humingi ng mga senyas lalo na kung may kinakaharap tayo na mga bagay o pangyayari na walang katiyakan. kapag tataya sa lotto, gumagamit tayo ng samu't saring mga numero galing sa mga birthday, espesiyal na araw, at kung anu-ano pa. kapag suot natin ang ating paboritong damit, may swerte daw. ngayon kapaskuhan, maraming senyas sa kapaligiran: christmas tree, christmas songs, christmas lights, mga parol, belen, at iba pa.
ngunit, ngayong panahong ito, nakakalito ang mga senyas na nagtuturo sa kapaskuhan. maraming bangayan sa gobyerno. away dito, away doon. hulihan dito, hulihan doon. pero ang mas malala ay ang nakita nating pinsala ng bagyong sendong sa mga kababayan natin sa northern mindanao at ilang bahagi ng southern visayas. maraming namatay. maraming napinsala. maraming bahay na nasira, mga ari-ariang nawawala. maraming mga buhay na binago at babaguhin. tila hindi ata maganda ang mga senyas na nagtuturo patungo sa kapaskuhan. o di naman kaya'y, nakalilito kung ano ba talaga ang tinuturo ng mga senyas na ito.
sa unang pagbasa, narinig natin ang kuwento ni propeta isaias at haring acaz. sinabi ni isaias kay acaz na himingi siya ng senyas sa panginoon, ngunit ayaw ni acaz. kung titignan natin ang buong kwento, nagnanais na makipagdigma si acaz sa ibang bansa, at upang magawa ito, kailangan niyang makipagkampi sa ibang bansa na naniniwala sa maraming diyos. ito ay lubhang makakaapekto sa kanila dahil maaaring maimpluwensiyahan ang mga israelita na hindi maging tapat kay yahweh. at tila nagdilang anghel si isaias nang sinabi niya ito: isang dalaga'y maglilihi, batang lalaki ang sanggol, tatawagin siyang emmanuel, na kahuluga'y "nasa atin ang diyos." at sa ating ebanghelyo, narinig na naman natin ang pagpapahayag ni anghel gabriel kay maria ng balita na siya ay maglilihi ng isang batang lalaki na papangalanang hesus, na siyang manunubos at manliligtas natin.
senyas. ang kapanahunan ng adbyento at kapaskuhan ay mga senyas na patungo kay kristo, ang pinakadakilang senyas ng pag-ibig ng diyos sa ating buhay. sa kabila ng mga sakuna at hindi pagkakaintindihan, inaanyayahan tayo ng ating mabuting balita sa umagang ito na kilalanin, tanggapin, at angkinin si kristo, ang emmanuel, ang dakilang tanda na sumasaatin ang diyos.
hindi na natin kailangang humanap ng mga malalaki at bonggang mga senyas upang maramdaman at maranasan natin na sumasaatin ang diyos. sa ating pag-asa na magiging mabuti ang lahat sa kabila ng maraming hindi mabuting nagaganap, alam natin na hindi tayo pababayaan ng diyos sa ating buhay. at sa pamamagitan ng ibang tao na maaaring maging senyas at tanda ng pagmamahal ng diyos sa ating buhay, mas lalo nating nararanasan na sumasaatin talaga ang diyos.
kaya sa panahon ng kaguluhan, sa oras ng hindi pagkakaunawaan, sa mga pagkakataon ng trahedya at sakuna, ating alalahanin na ang diyos ay higit pa o mas malaki pa sa mga suliraning ito. bilang mga kristiyanong nananabik na naghihintay sa pagsilang ni kristo sa sabsaban, hinihiling natin ang biyaya ng pag-asa at lakas ng loob upang tayo mismo ay magsilbing tanda ayt senyas na nasa atin at sumasa-atin ang diyos. amen.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment