07 August 2011

kapit ka sa akin, at hindi kita bibitawan! (isang pagninilay sa mateo 14:22-33)

galing dito ang larawang ito

sa ating ebanghelyo ngayong linggong ito, narinig natin ang kuwento tungkol sa karanasan ni pedro at ng mga apostol noong sila ay naglalayag sa karagatan ng sila'y sinalubong ng isang unos, at kung paano pinakalma ni hesus ang kanilang mga pangamba. dito, narinig natin ang ating panginoon na sinabing "huwag kayong matakot, ako ito!" upang bigyang kapanatagan ang loob ng kanyang mga alagad. ngunit, matingkad sa eksenang ito ang nangyari kay pedro: matapos humingi ng pangitain kay hesus na siya nga ang kanilang nakikita at hindi isang multo, unti-unti siyang lumubog sa kanyang paglakad sa ibabaw ng tubig. at dito, itinuturo ni kristo kay pedro at kahit na sa atin ang kahalagahan ng pagtitiwala sa kanya sa kabila ating ng mga pangamba at agam-agam.

nasasalamin sa karanasan ni pedro ang tatlong bagay na atin din nararanasan sa ating pang-araw-araw na buhay: ang karanasan ng takot at pangamba, ang karanasan ng pagdamay ng diyos sa ating mga suliranin, at ang karanasan ng mga maliliit na paraan o pagkakataon kung saan nararanasan natin ang diyos sa ating buhay.

takot at pangamba. bilang tao, hindi natin maiwawaksi sa ating karanasan ang takot at pangamba. higit na tumitingkad ang pakiramdam na ito lalo na sa mga pagkakataong hindi tayo sigurado o walang kasiguraduhan sa mga bagay sa ating paligid. nangangamba tayo sa nakaraan, kung paano ito makakaapekto sa ating kasalukuyan. may agam-agam sa kasalukuyan dahil hindi natin alam ang susunod na kabanata. at lalong natatakot tayo sa hinaharap dahil madalas ay wala sa ating mga kamay ang mga maaaring mangyari o maganap. ito ay bahagi ng ating karanasan bilang tao, dahil isang palaisipan sa atin ang hinaharap.

subalit, ang buhay din natin ay naka-ugat sa pagtitiwala. paano ka nakakasigurado na may bukas pa? dahil nagtitiwala kang sisikatan ka pa ng araw matapos ang gabi. paano mo nalaman na hindi ka magkakasakit sa iyong kinain noong agahan, o di kaya ang kakainin sa tanghalian at hapunan? dahil may tiwala ka sa naghahanda ng pagkain. paano mo nalaman na makakarating ka sa iyong paroroonan ng walang makakasalubong na sakuna? dahil nagtitiwala ka sa iyong kasama sa daan, na hindi ka niya pababayaan.

dinadamayan tayo ng diyos. at dito pumapasok ang mas malalim na pagtitiwala: ang pagtitiwala sa diyos na siyang may hawak ng ating nakaraan, umaalalay sa ating pangkasalukuyan, at nagpapapanatag sa ating loob sa pakikibaka sa hinaharap. tulad ni pedro noong siya'y unti-unting lumulubog sa mala-kumunoy na tubig ng kanyang pangamba, kumapit tayo sa diyos, na hindi pinapabayaan ang siyang nagtitiwala sa kanya.

naalala ko ang kanta ng isa sa mga paborito kong banda, ang sugarfree, na pinamagatang "huwag ka nang umiyak." sa titik ng awiting ito madarama ang isang hindi pangkaraniwang pagtitiwala:


Wag ka nang umiyak, sa mundong pabago-bago pag-ibig ko ay totoo
ako ang iyong bangka, kung magalit man ang alon, ng panahon, sabay tayong aahon


Kung wala ka nang maintindihan, kung wala ka nang makapitan
Kapit ka sa akin, kapit ka sa akin, at hindi kita bibitawan



ngunit sa galit ng alon at panahon, madalas hindi natin nakikita ang pagdamay ng diyos. mas madaling makita ang rumaragasang tubig sa ating harapan kaysa sa kamay na ating dapat kapitan. sa panahon na tila maraming pagdududa at pagdadalawang isip, tila mas madaling masulyapan ang mga puno at hindi makita ang gubat. malamang, ang ating tanong ay, "paano ba nagpaparamdam ang diyos sa aking buhay? makakain ba yan?"

sa maliliit na bagay nagpaparamdam ang diyos. siguro, hindi na natin kailangang humanap ng pangitain o sign sa diyos na "bonggang-bongga." siguro, hindi natin kailangan pang humingi ng isang malaking aparisyon o pagpapakita ng diyos sa araw-araw. dahil madalas, nagpaparamdam ang diyos sa mga maliliit na paraan.

noong may problema ka, malamang ay may dumamay sa iyo at nakinig sa iyong suliranin. noong may kaguluhan sa buhay, may mga taong sumasalo at tumutulong kahit na sa maliit na paraan. noong may kagipitan sa buhay, may mga nag-aambag sa mga maliliit na paraan upang ipadama ang pakikipag-kapwa. muli, hindi natin kailangan ng malaking sign na nagsasabing "hello, ako si Lord! andito ako!" dahil madalas, nararanasan natin ang pagdamay ng diyos sa pagdamay ng ating kapwa.



ito ang hamon sa atin ng ating ebanghelyo ngayong linggo: sa mga unos ng buhay, ipinapaalala ni kristo sa atin: "kapit ka sa akin, at hindi kita bibitawan!" at hinahamon tayo ng ebanghelyong ito na magsilbing paalala ng pagdamay ng diyos sa ating kapwa. na sa ating mga pag-iisip, pag-kilos, at pananalita ay masalamin natin ang pag-ibig at pag-damay ng diyos sa bawat isa. magsilbi nawa tayong mga tanda ng paghahari ng diyos sa kabila ng ating mga pagsubok na hinaharap sa pang-araw-araw.

deo gratias.

No comments:

Post a Comment