galing dito ang larawang ito
Ipinasa bilang isang "reflection paper" sa kursong Sangguniang Pastoral
Sa loob ng isang semestre ng pag-aaral ng kursong Sangguniang Pastoral, namulat ako sa ilang mahalagang aral hindi lamang sa sanggunian kundi pati na rin sa buhay. Bukod sa mga lolo at lola ng sikolohiya at mga paraan na inambag nila sa larangan ng sanggunian, ang isang leksiyon na maituturing kong lubhang mahalaga sa kursong ito ay ang kahalagahan ng pagkilala sa sarili: ng sumasangguni pati na rin ng sinasanggunian. Sa pagsisimula ng ating kurso, pinanood natin ang pelikulang Kung Fu Panda 1, na tila naghanda ng daan sa pagbubukas ng sarili hindi lamang sa kurso pati na rin sa bawat isa sa proseso ng sanggunian. At tila akma na sa pagwawakas ng ating kurso ay pinanood natin ang pelikulang Kung Fu Panda 2, na nagbigay ng mukha sa pagkilala ng sarili bilang pundasyon ng sanggunian at ang pagkakaroon ng malay sa pangkasalukuyan bilang haligi nito. Halos buong kurso nating binabanggit ang katagang “Yesterday is history, tomorrow is a mystery, but today is a gift; that is why it is called the ‘present’.” Ang katotohanan ng katagang ito ay pinamalas sa tatlong tauhan sa pelikula: si Po, si Lord Shen, at ang Soothsayer.
Sa Kung Fu Panda 2, nagpatuloy ang proseso ng pagkilala at paghawak sa sarili ni Po, ang tinaguriang Dragon Warrior na magdadala ng kapayapaan sa kanilang bayan. Kung sa unang pelikula ay natutunan ni Po na hawakan ang kasalukuyan bilang susi sa pagiging tunay na malaya, napagtanto niya naman sa ikawalang pelikula ang mga ala-ala ng nakaraan bilang bahagi ng kanyang pagkakakilanlan. Sa simula ay tinanong ni Po ang kanyang ama na si Mr. Ping tungkol sa kanyang pinagmulan at kung sino ba siya talaga: “I just have so many questions. Like how did I ever fit in this tiny basket? Why didn't I like pants? And who am I?” Dito nagsimula ang paglalakbay ni Po upang malaman niya lalo ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang nakaraan, bagamat siya ay tinagurian nang pinakamahusay na mandirigma ng Kung Fu. Sa pamamagitan ng simbolong nakita niya sa mga balahibo ni Lord Shen, ang panaghinip niya tungkol sa kanyang magulang, at ang kanyang pagbalbalik sa lupang kanyang tinubuan, naintindihan at natanggap ni Po ang kanyang nakaraan bilang bahagi ng kanyang pagkakilanlan kahit hindi ito kaaya-aya sa kanyang pananaw. Nasasalamin ditto ang aking natutunan sa ating talakayan sa mga turo ni Sigmund Freud. Sa pamamagitan ng mga ala-ala at panaghinip, nagkakaroon ng mas malalim na pag-ako ng nakaraan bilang bahagi ng pagkatao ng sumasangguni.
Sa pagbabalik sa nakaraan, importanteng kilalanin din ang mga sugat o peklat na dulot ng nakalipas. Nabanggit sa usapan ni Po at Lord Shen sa pagtatapos ng pelikula ang tungkol sa mga sugat at peklat: “Scars heal… No, they don’t. Wounds heal… What do scars do? They fade, I guess.” May katotohanan sa usapang ito. Sa isang dako, may mga sugat na hindi na dapat binubulatlat dahil baka lalo itong lumala. Sa kabilang dako naman, may mga sugat na naghihilom at tila bumabalik sa normal. Sa huli, kailangang tanggapin ang katotohanan na hindi na maaaring balikan o baguhin ang nakalipas. Bagamat mahalaga ang nakalipas, hindi dapat nito didiktahin ang pangkasalukuyan at ang hinaharap ng tao. Datapwat, ang pagtanggap at pag-ako nito ay nagbubunga ng mas mayabong na pagkakilala sa ating pagkatao.
Sa kabilang sukdulan naman ng sobrang pananatili sa nakaraan ay ang labis na pagkapit sa hinaharap. Nakita ito sa katauhan ni Lord Shen, na nangangarap na lupigin ang buong kalupaan ngunit natatakot sa pangitain ng mandirigmang itim-at-puti na tatalo sa kanya. Nakatawag ng pansin sa akin ang bahagi ng pelikula kung saan humingi siya ng payo sa Soothsayer tungkol sa kanyang pangarap ngunit lagi siyang binabalik nito sa kasalukuyan. At matapos ang lahat ng pakikipag-buno ay hindi natupad ang mga hangarin ni Shen. Totoo nga na magandang may inaasam sa kinabukasan, ngunit ang pagiging makapit sa hinaharap ay maaari ring magdulot ng kabiguan lalo na kung hindi ito natamasa. Ito marahil ay paalaala tungkol sa hinaharap: maaari itong isipin at tignan upang magkaroon ng pananaw ang daan na tatahakin, ngunit hindi ito makakamtan kung wala sa kasalukuyan ang ating puso at isipan.
Sa huli, mahalagang makita ang nakaraan, hinaharap, at kasalukuyan bilang isang kabuoan na magkakaugnay sa bawat isa. Ang nakalipas na mga karanasan at mga hangarin ng hinaharap ay kailangang naka-angkla sa kasalukuyan. Ito marahil ang sagot sa katanungan ni Po sa simula ng pelikula, na siyang natagpuan niya sa mga katagang sinabi ng Soothsayer sa kanya: "Your story may not have such a happy beginning, but that doesn't make you who you are. It is the rest of your story, who you choose to be." Tila umaalingawngaw dito ang turo ni Fritz Perls: sa kabila ng ating kalakasan, kahinaan, galit, at malasakit, nasa ating mga kamay kung paano ang mga ito ay magkakaroon ng tamang timpla. Totoo nga ang sinabi ni Fr. Albert Alejo SJ na ilang ulit na nabanggit sa ating klase: hindi tayo purong puti o itim; bagkus tayo’y batik-batik na kariktan. Para tayong panda tulad ni Po: may kadalisayan, may karimlan, ngunit patungo sa kabuoan. May mga aspeto ng ating sarili na maganda at hindi kaaya-aya, ngunit hindi ito hadlang upang maging totoo sa ating sarili at makamtan ang ating mga pangarap sa buhay. At ito ay magaganap kung tayo ay mananatili sa kasalukuyan.
Bilang pagwawakas, pinapaalala ni Master Shifu na hindi lamang kay Po kung hindi sa ating lahat ang kahalagahan ng pagiging payapa: “Anything is possible when you have inner peace.” Muli, walang sikretong sangkap sa pagkilala sa sarili na wala sa ating mga kamay. Inaanyayahan ang bawat isa na yakapin ang ating nakaraan, tuklasin at magka-mamalay sa sarili sa kasalukuyan, at humarap at mag-alay ng sarili ng may bukas-palad sa kinabukasan.
No comments:
Post a Comment