(photo source)
Isang homiliya na ibinigay noong ikalawang araw ng Misa de Gallo sa Santo Cristo de Las Pinas Parish
In our Gospel reading today, the second day of our Misa de Gallo, we hear this long list of names that comprise the Genealogy of Jesus. Ano po ba ang isang Genealogy? A genealogy, in our common language, is a family tree – a list of ancestors, fathers of fathers and sons of sons, that traces the roots of a particular person. The Gospel of Matthew presents to us Jesus’ family tree, at kung napakinggan nating mabuti ang family tree ni Hesus base sa binasa kanina, malamang ay may mga pangalan na narinig na natin dati, o nakikilala natin dahil sa mga kuwento sa Biblia. Nariyan si Abraham, Isaac, at Jacob, na kinikilala ng mga Hudyo bilang ama ng kanilang pananampalataya o mga Patriarch. Nabanggit din ang mga hari tulad ni David at Solomon. Ngunit may mga pangalan ng mga taong tila hindi man lang natin naririnig sa pang-araw araw na buhay, mga pangalan na dito lang sa pagbasang ito natin maririnig. Halimbawa: may nakilala ka na bang tao na ang pangalan ay Jechoniah, o kaya papayag ka bang ipangalan ang iyong anak bilang Eliud. Pero sa ating pagninilay ngayon, nais kong bigyang pansin ang mga pangalan ng kababaihang nabanggit sa pagbasang ito: si Tamar, Rahab, Ruth, at Maria – ang mga babae sa buhay ni Hesus. Sino nga ba sila at bakit sila napasama sa family tree ni Hesus?
Sino ba si Tamar? Sa aklat ng Henesis, si Tamar ay taga-Canaan – isang pagano – at ang kanyang kabuhayan ay bilang isang patotot; sa wikang ingles, prostitute. Si Rahab naman ay nagmula sa aklat ni Joshua, at isa siya sa mga tumulong sa mga Israelita na makapasok sa Jericho. Ano naman ang kanyang kabuhayan? Tulad ni Tamar, siya rin ay isang patotot; isang prostitute! Si Ruth naman ay isang Moabite – kabilang siya sa mga taong naniniwala sa mga diyos-diyosan at hindi kay Yahweh. Si Bathsheba naman ay nakilala bilang babaeng naki-apid kay David – isang adulterer – at ang kanilang anak ay walang iba kundi si Haring Solomon. Eh paano naman si Maria? Alam natin na siya ay ang ina ni Hesus, siya ay nakahanda bilang mapapangasawa ni Jose. Pero bago ang lahat, isa sa mga batas ng mga hudyo ay kapag ang isang babaeng ihinahanda sa kasal ay biglang nagdalang-tao o nabuntis, ang babaeng ito ay nakatakdang parusahan ng pagbato hanggang kamatayan – stoning to death. Tandaan natin na si Maria ay nagdalang-tao bago pa man din sila ikasal ni Jose. Sa makatuwid, ayon sa batas ng mga hudyo, dapat parusahan si Maria ng pagbato hanggang kamatayan dahil siya’y nabuntis bago ikasal.
Sa ating pagsusuri, ano ang pagkakapareho ni Tamar, Rahab, Ruth, at Maria? Dalawa sa kanila ay patotot, isa naman ay hindi naniniwala sa Diyos, at ultimong ina ni Hesus ay nararapat na parusahan ng kamatayan. Ang apat na babaeng ito, sa pananaw ng tao, ay marurumi – mga makasalanan! Ngunit, bakit nga ba sila napabilang sa family tree ni Hesus, na tinaguriang anak ng Diyos? Kung si Hesu-Kristo nga ang anak ng Diyos, bakit napasama ang mga “makakasalanang” ito sa kanyang linya? Kung siya nga ang anak ng Diyos, bakit tila hindi perpekto ang kanyang pamilya?
May mensaheng nais iparating ang ating Diyos sa pamamagitan ng ebanghelyo natin ngayon: si Hesus ay naparito upang iligtas tayong lahat – siya ay manliligtas hindi lamang para sa mga mabubuti, kundi pati na rin sa mga nawawalan ng landas. This is our first good news on this second day of our Misa de Gallo: His life and message is for everyone – saints and sinners alike! Narito siya para iligtas ka, sa kabila ng iyong pagkukulang at pagiging makasalanan. Ipinanganak siya upang yakapin ang ating pagkatao upang iligtas tayo at gabayan patungo sa daan ng kabutihan. Bagamat sa mata ng tao ay tinaguariang makasalanan ang tulad ni Tamar, Rahab, Ruth, at Maria, sa mata ng Diyos, sila ay kasangkapan upang madala ang kabutihang dala ni Kristo sa ating buhay. Sila ay tinanggap ng Diyos maging sino man sila.
Mga kapatid, ito ang paanyaya sa atin ng ating ebanghelyo ngayon: bago natin matanggap ang pagpapala ng Diyos ngayong pasko, tanggapin muna natin kung sino talaga tayo, tanggapin natin ang ating mga kapamilya, tanggapin natin ang mga kasapi ng ating komunidad, tanggapin natin ang bawat isa sa kabila ng mga pagkukulang at pagkakasala. This is the second good news for today’s celebration: to accept the gift of Christ this Christmas, let us first accept who we are and the people around us. Pero, brother, paano ba natin magagawa ito? Ang hirap kayang tanggapin ng aking kapuwa, lalo na yung mga nananakit sa akin. Paano ko sila tatanggapin kung may mga sugat na nabuo sa aming relasyon dahil sa aming hindi pagkakaunawaan? Dito nagsisimula ang hamon sa atin ng Diyos: magmahal tayo tulad ng pagmamahal ni Kristo, na handing magmahal kahit buhay pa niya ang nakataya. Magmahal kahit masakit! Magmahal hanggang sumakit!
This Christmas season reminds us of God’s love to all of us. Ang pagmamahal ng Diyos ay hindi maprepresyuhan. Ipinanganak si Kristo para ipakita ang pagmamahal ng Ama, at kahit sa bingit ng kamatayan, minahal ni Kristo sa mga taong umuusig sa kanya. Ika nga, “the true measure of love is to love without measure.” Ang tunay na sukatan ng pag-ibig ay ang pag-ibig na walang sukat! Baunin natin ang katagang ito sa pagpapatuloy ng ating pagdiriwang. Love until it hurts. Love even if it hurts! Tulad ni Hesus na ipinanganak upang ipahayag ang pagmamahal ng Diyos sa kanyang mga salita at gawa hanggang sa kanyang huling hininga, tanggapin at mahalin natin ang bawat isa ng walang sukat, walang hangganan. Amen.
No comments:
Post a Comment