08 April 2012

Liwanag sa Dilim (Isang pagninilay sa Pagtatanod sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon)


Isang bahagi ng homiliya na ibinigay noong Pagtatanod sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon sa Saint Joseph Parish, Tambo

Liwanag. Kailangan natin ng liwanag sa buhay natin. Ang liwanag ng sikat ng araw ang siyang gumagabay sa ating mga araw at siya ring nagbibigay ng init at ilaw. Pagsapit ng gabi, kailangan din natin ng liwanag upang makita ang paligid ng kadiliman. Maraming nayayamot kapag brownout hindi lamang dahil walang kuryente kundi mahirap mamuhay ng walang liwanag. Kaya nga kapag brownout, ang una nating hinahanap ay kandila na sisindihan, o di naman kaya ay emergency light, o generator para sa may mga kaya. Bukod pa rito, mas madaling makahanap ng mga bagay na nawawala kapag maliwanag. Ika nga ng palatastas ng Meralco, "may liwanag ang buhay." Bukod sa ilaw at init na dala ng liwanag, ito rin ay nagbibigay ng kapanatagan at kapayapaan. Kapag malabo, kailangang liwanagin upang maging klaro. Kaya tinatanong ng guro, "Maliwanag ba?" upang malaman kung naiintindihan at mauunawaan ang paksa na tinatalakay sa klase.

Sinasabi nga na ang gabing ito ay iba o higit pa sa ibang mga gabi, hindi lamang dahil ang ating pagdiriwang ay maituturing na isa sa mga pinakamahabang "misa" ng taon, kundi dahil inaalala natin ang liwanag na pumaram sa dilim. Sa simula ng misa, nababalot ng kadiliman ang buong simbahan. Nagkaroon ng liwanag nang sinindihan ang apoy, na siyang pinanindi ng kandilang paskal, na siyang pinanindi ng ating mga kandila nang nakapasok tayo sa loob ng simbahan. Habang ipinapahayag ang mga pagbasa, nababalot ang simbahan ng kadiliman, at nang kinanta natin ang "Papuri," doon pa lang sinindihan ang mga ilaw sa loob ng simbahan. At ngayon, ang kadiliman na bumabalot sa simula ay nawala na. Dahil dumating na ang liwanag sa dilim, ang liwanag na nagwawaksi sa kadiliman ng mundo, dahil si Kristo ay nabuhay at siya'y ating kaliwanagan!

Ang buhay natin ay nababalot din ng kadiliman. Minsan, natatakot tayong harapin ang kadiliman dahil hindi natin alam kung nasaan tayo at ano ang ating patutunguhan. Ngunit, may liwanag sa dulo na siyang gagabay sa atin at kahit paano ay bibigyan tayo ng gabay patungo dito. Marami tayong karanasan ng kadiliman, ng kawalan ng liwanag, ng walang kasiguraduhan. Subalit, may liwanag na laging gumagabay at nagbibigay ng kapanatagan sa ating paglalakbay.

Nakikita natin ang tema ng liwanag at kadiliman sa ating mga pagbasa. Ang kadiliman ng kaos ay winaksi ng liwanag na siyang unang nilikha ng Diyos at siyang nagbigay ng kaayusan sa mundong ating ginagalawan. Sa sakripisyo ni Abraham sa kanyang anak na si Isaac, binigyan siya ng kaliwanagan ng pananampalataya ng Diyos na sumunod sa kanya dahil alam niya at naniniwala siyang hindi babawiin ng Diyos ang biyayang ibinigay niya sa kaniya. Sa karanasan ng mga Israelita palabas ng Ehipto, ang kadiliman ng dagat ay binigyang liwanag nang pinatawid sila ng Diyos sa pamamagitan ni Moises na kanyang sinugo upang dalhin sila sa lupang pangako. Sa mga pagbasa tungkol sa mga propeta, patuloy na nagbibigay ng liwanag ang Diyos sa ating puso na nababalutan ng kawalan ng pag-asa at dilim ng kaguluhan upang itaguyod ang kanyang pangako at tipanan sa ating lahat.

Liwanag sa dilim. Sinasabi na ang kadiliman ay isang kamalasan. Ngunit sa liwanag ni Kristo, tayo ay nagkakaroon ng malay na hindi kadiliman ang huling salita ng ating kasaysayan. At sa ating pagkamalay ng liwanag na nasa ating puso, handa na nating ialay ang liwanag na ito sa iba, lalo na sa mga nababalot pa ng kadiliman. Sa bisa ng ating binyag, tayo ay tinatawag na maging liwanag sa dilim na bumabalot sa mundo, na bitbitin ang biyayang ito at ipamahagi sa mga hindi pa namumuhay sa liwanag ng Diyos, na maging saksi sa buhay ni Kristo na siyang pinadala ng Ama upang bigyang liwanag, kapayapaan, at kapanatagan ang ating buhay. Ang liwanag na ito sa ating buhay ay mag-liyab sa ating mga puso na ialay sa Diyos ang ating buhay sa paglilingkod sa iba - sa ating pamilya, sa ating tahanan, sa ating pamayanan, sa ating parokya, at sa ating mundong ginagalawan.



Si Kristo ay muling nabuhay, siya'y ating kaliwanagan!
Happy Easter sa ating lahat!

No comments:

Post a Comment