photo by kevin fonacier
Bahagi ng homiliya na ibinigay noong ika-labinlimang linggo sa Karaniwang Panahon sa sa kapilya ng Barangay South Cembo, Makati City
sa ating ebanghelyo ngayon, tila may iisang tema na naguugnay sa ating mga pagbasa, at ito ang tema ng pagpapadala sa isang misyon.
nakita natin sa paghaharap ni propeta amos at amaziah sa unang pagbasa na si amos, bagamat siya ay isang pastol at tagapangalaga ng mga puno, ay tinawag ng diyos upang ipahayag ang kanyang salita bilang isang propeta. sa ikalawang pagbasa, binabanggit ni san pablo ang pakikibahagi ng mga pinapadala sa misyon ni kristo at ang bunga nito na isakatuparan ang kalooban ng diyos. at sa ating ebanghelyo, nagbibigay ng habilin si hesus sa kanyang mga alagad bago sila ipadala ng dala-dalawa sa isang misyon: na walang dadalhing iba kundi ang tungkod, magsuot ng sandalyas, at ipahayag ang pagbabagong-buhay sa mga taong makakasalamuha nila.
makikita natin sa kuwento ni amos at kahit sa mga alagad ni hesus kung paano pinapadala ang mga ordinaryo at simpleng tao upang gawin at tuparin ang isang malaking misyon. sa kabila ng kanilang tila kakulangan at kahinaan, sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba ng kaugalian at pananaw sa buhay, tinatawag sila at pinapadala sa isang misyon na hindi lamang para sa kanila upang tuparin, kundi bilang mga instrumento na makikibahagi sa misyon na ang diyos mismo ang tutupad sa pamamagitan nila.
batid ba natin ang ating misyon sa buhay? sa kabila ng ating mga pagkukulang, tinatawag tayo upang tumugon sa kanyang kalooban sa iba't-ibang pamamaraan. paano nga ba natin ginagampanan ang misyon na ibinibigay sa atin ng diyos sa ating buhay?
makikita rin natin ang kahalagahan ng mga habilin ni kristo: sila ay pinadala ng dala-dalawa upang magtulungan, magdamayan, at maglakbay bilang mga saksi sa pagmamahal ng diyos. mas madali gampanan ang tungkulin nang may kasama. mas magaan ang paglalakbay kung may karamay sa daan. at mas epektibo na maipahahayag ang salita ng diyos kung dalawa ang sumasaksi at nagpapatotoo rito.
sino ba ang mga kasama natin sa buhay na tumutupad ng misyong ito? paano natin napapalakas ang bawat isa bilang mga saksi na magkasamang nagpapatotoo sa salita ng diyos?
makikita rin natin ang kahalagahan ng pagiging payak o simple sa pagsisimula ng misyon. ang pagiging payak ay niyayakap natin upang makilatis at mapili ang mas mahalaga sa buhay, upang tayo ay makapaglakbay ng mas magaan upang maibigay nang buo ang sarili sa paglilingkod, at upang tayo ay umasa lamang sa Diyos na siyang nagpapadala sa atin.
ano ba ang kailangan nating bitiwan upang mas malaya tayong makatugon sa kanyang tawag? ano ang mga aspeto ng ating sarili o di naman kaya ay mga magay na humahadlang sa atin upang makapagbigay ng buo sa ating misyon sa buhay? ano ang mga biyayang nais nating hilingin sa diyos sa pagtahak ng landas ng pagtugon sa kanyang kalooban sa ating buhay?
deo gratias.
No comments:
Post a Comment