20 July 2011

Panloob na Kapayapaan (Isang pagninilay sa pelikulang "Kung Fu Panda")

galing dito ang larawang ito

Ipinasa bilang isang "reflection paper" sa kursong Sangguniang Pastoral
at ibinahagi sa lingguhang "group mass" sa San Jose Seminary

Noon pa man, samu't sari na ang mga naririnig kong diskusyon at opinyon tungkol sa pelikulang Kung Fu Panda mula sa aking mga kaibigan at maging sa aking mga estudyante. Ngayon lamang sa kursong ito ako nagkaroon ng pagkakataong mapanood ang nasabing pelikula.

Tatlong eksena ang tumatak sa akin sa pelikulang ito, at nakita ko na tila may koneksyon ang mga ito sa bawat isa. Una rito ay ang eksena kung saan si Master Shifu ay nagninilay sa isang kuwarto at binabanggit ang katagang “Inner peace… inner peace”. Subalit, tila hindi niya makamtan ang inaasam niyang panloob na kapayapaan.

Ikalawa naman ay ang pag-uusap ni Master Oogway at Master Shifu. Sa eksenang ito, makikita na sa kabila ng pangangamba ni Master Shifu sa nagbabadyang paglaya ni Tai Lung sa piitan, ay sinabi ni Master Oogway na “Your mind is like this water, my friend: when it becomes agitated, it becomes difficult to see; but if you allow it to settle, the answer becomes clear.”

At panghuli ay ang tagpo sa pagtatapos ng pelikula kung saan nagpasalamat si Master Shifu kay Po at sinabing: “It is as Oogway foretold, you are the Dragon Warrior. You have brought peace to this valley… and to me.”

Napagnilayan ko na may isang temang mag-uugnay sa tatlong tagpong nabanggit. Ito ay ang kapayapaang hinahangad o hinahanap ni Master Shifu sa kwentong napapaloob sa pelikula. Ang mensahe ng temang ito ay pumukaw sa aking atensyon.
Sa aking pagbabalik sa seminaryo matapos ang tatlong taon ng regency, isa sa pinakahihiling ko sa Panginoon ay ang biyaya ng panloob na kapayapaan na makakapagbigay ng kapanatagan sa aking kalooban. Ito ay sa kadahilanan na hindi naging madali para sa akin ang pagbalik sa seminaryo.

Nang matapos ang ikalawang taon ng aking regency, sinubukan kong magre-apply sa San Jose para ako’y matanggap sa susunod na taon subalit ako’y nabigo. Sa kabila ng aking marubdob na pagnanais na makabalik sa buhay-seminaryo, binigyan pa rin ako ng extension ng isa pang taon bago makabalik sa seminaryo. Isa itong karanasan ng kabalintunaan para sa akin. Matapos and iyakan at paalamanan sa aking mga estudyante at mga mahal sa buhay ay hindi rin naman pala ako tuluyang lilisan sa piling nila. Hindi naging madali para sa akin na tanggapin ang naturang desisyon.

May mga panahon na tinatanong ko ang sarili ko kung saan ako nagkulang sa aking pagtugon sa programang inilaan para sa akin noong ako ay lumabas ng seminaryo. Mayroon ding mga pagkakataon kung saan ay pinagdudahan ko ang bokasyong binigay sa akin. Mayroon ding mga sandaling napupuno ako ng pangamba dahil nawalan ako ng isang taon na dapat ay nakalaan sana sa buhay-seminaryo.

Ang mga kaganapang ito ay nagdulot sa akin ng matinding pangamba at pagkabagabag. Para sa akin, ito ay isang kamalasan dahil hindi napagbigyan ang nais kong makamtan o mangyari. Subalit, napagtanto ko na hindi pa pala huli ang lahat. Sinubukan kong magre-apply muli, at ako'y natanggap ngayong taong ito. Isa itong masayang balita. Ang buong akala ko ay nagwakas na ang kamalasan, ngunit hindi pa rito natatapos ang pangamba.

Ang komunidad na binalikan ko ay hindi na ang komunidad na aking nakagisnan: iba na ang mga katauhan, iba na rin ang mga namumuno, iba na nga ang mga kapatid sa komunidad. Sa katunayan, hanggang ngayon ay nakikibagay pa rin ako sa komunidad sa San Jose. Hindi nawala ang pangamba; tila tubig na umaagos at hindi makita ang kailaliman. Kaya't patuloy ang paghahanap ng panloob na kapayapaan sa pagpapatuloy ng buhay.

Hindi nagtagal, natanggap ko na rin mula sa Diyos and biyaya ng panloob na kapayapaan noong retreat na nagagnap nang mag-umpisa ang taon. Labis akong nagpapasalamat dahil tinutupad ng Diyos ang kanyang mga pangako sa pinakamagandang paraan at pinaka-angkop na panahon. Marahil hindi pa ako handa noong nagre-apply ako sa unang pagkakataon, kaya't gumawa ang Diyos ng paraan at binigyan pa ko ng ikatlong taon ng regency para makilala ko pa nang lubusan ang aking sarili at palalimin pa ang aking pag-aninaw sa kanyang kaloban sa aking buhay. Marahil din na ang komunidad na kasama ko ngayon ay ang magsisilbing landas upang maisakatuparan ang kaloob na plano ng Diyos para sa akin na nagsusumikap sundan ang kanyang yapak bilang pari sa hinaharap.

Ang pagkatantong ito ay ang siyang nagdulot sa akin ng panloob na kapayapaan. Ika nga sa nakaraang klase natin, mula sa karanasan ng malas dahil sa nakikitang karanasan, nagkaroon ako ng bagong malay sa kalooban ng Diyos, at tunay na naging malaya sa pagtugon dito. Bukod dito, ang pagiging malaya ay nagpatuloy sa pagiging maligaya sa kanyang pinagkaloob na biyaya. Higit sa lahat, bunga rin ng kalayaang ito ang pagiging payapa at panatag sa Kanyang plano. Totoo nga ang sinabi ni Master Oogway kay Master Shifu: "There are no accidents." Walang "nagkataon lang" dahil ang lahat ay biyaya.

Nais kong pang mapalalim mg husto ang biyaya ng panloob na kapayapaan sa aking sarili, lalo na sa aking pagtataya sa buhay-seminaryo at sa pagpapari sa hinaharap. Inaanyayahan ako na maging bukas sa kalooban ng Diyos, dahil Siya ang nagbibigay ng panloob na kapayapaan na aking hinahangad.Nais kong lalong masaksihan ang pagkilos ng Espiritu sa akong pang-araw-araw na buhay. Sa pamamagitan nito, ay lalo kong maiintindihan kung paano binabago ng Panginoon ang mga karanasang akala ko ay kamalasan ngunit nagdudulot pala ng kalayaan, kapayapaan, at kaligayahan. Gamit ang aritmetika ng buhay, sisikapin kong dagdagan ang pagmamasid at pagninilay, bawasan ang mga bagay na dumaragdag sa kaguluhan, paramihin ang pagkakataong maipamalas ng Diyos ang kanyang plano sa aking buhay, at hatiin ang mga biyayang ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa.

deo gratias.


salamat kina vea alvaro at leslee ambrosio na tumulong na maisaayos ang reflection na ito :)

2 comments:

  1. I felt your heart bared and poured out in this reflection. =)

    ReplyDelete
  2. hindi pala napublish yung pasalamat ko sa'yo hahahaha

    ReplyDelete