03 August 2011

Ang Sanggunian ay Paglalakbay

Ipinasa bilang isang "reflection paper" sa kursong Sangguniang Pastoral

Bilang isang seminarista, madalas akong nagiging takbuhan ng mga tao, maging ito man ay sa apostolate area, sa aking mga kaibigan at dating estudyante, at kahit na sa aking pamilya. Madalas, ang aking karanasan sa sanggunian ay ang pakikinig. Karamihan ng aking mga nakakausap sa sanggunian ay nais na makipagkwentuhan, o di kaya ay magbahagi ng karanasan. Kaya noong nabanggit sa klase na magkakaraaon ng takda na recording ng sanggunian, hindi ako nangamba o natakot sa pinapagawa sa amin sapagkat ito ay madalas ko nang ginagawa.

Nang dumating ang nakatakdang araw ng aking pakikipag-sanggunian, nakaramdam ako ng kaba at takot; marahil nako-conscious ako sa aking gagawin, o di naman kaya ay natatakot na magkamali sa mga paraan na itinuro sa klase, o posible din na tila hindi pa sapat ang aking kaalaman at karanasan na maging isang sinasanggunian. Sumagi sa aking isipan ang imahe ng mga batang nagsasanay bilang mga manlalangoy: upang sila ay matutong lumangoy, binabato sila sa swimming pool sa unang pagkakataon. Dito ko naintindihan ang kahalagahan ng sanggunian bilang isang paglalakbay: may sinusundan, may pinapasan, at may nais na patunguhan.

Tulad ng isang paglalakbay, may kailangang sundan sa karanasan ng sanggunian. Isa sa mga mahalagang batayan sa pagsisimula ng paglalakbay ay ang pagkilala: ng kasama, ng daang tatahakin, ng lugar na nais puntahan, ng mga palatandaan patungo sa patutunguhan, at ng mga gamit na kailangang dalhin sa paglalakbay. Ganito rin ang sanggunian: sa proseso na pagdadaanan at mas malalim na makikilala ang sumasangguni at mas naiintindihan ang situwasyon at conteksto na kaniyang kinatatayuan, pati na rin ang mga nais na makamtan at ang mga paraang kailangang pagdaanan upang matupad ang mga ito. Bilang paglalakbay, ang sanggunian ay isang paglalakbay sa karanasan ng sumasangguni bilang isang tao na may damdamin at pag-iisip, may kalakasan at kahinaan, at may mga bagay na kayang at di kayang baguhin.

Natutunan ko na mahalaga sa sanggunian ang pagsunod, lalo na sa sakit na nararamdaman ng sumasangguni. Sa pagsunod sa sakit, naihahanda ang daan patungo sa pagbubukas ng sarili, at ito ay hindi madali. Kailangan ng pagtitiwala at pakikisama upang mas maunawaan ang pinagdadaanan ng sumasangguni. Subalit, hindi ito kaya ng sumasangguni ng nag-iisa lamang siya. Mahalaga rin na maki-pasan ang sinasanggunian sa mga bigat na dala ng sumasangguni, dahil mas gumagaan ang pasan pag dalawa silang kumakarga ng pasaning ito.

Nalaman ko rin na hindi kailangang humanap ng agarang solusyon sa sanggunian; bagkus, mas mahalaga ang pakikinig at pananalamin ng karanasan upang mabigyang liwanag ang kadiliman na namumuo sa kalooban ng sumasangguni. Kaya nga siya paglalakbay: hindi man mahanap ang sagot ngayon, pero sabay nating tatagpuin ang nais na patutunguhan.

Napakaganda ng larawang iginuhit sa klase tungkol sa sanctuary bilang “hingahan ng kalooban.” Sa paglalakbay, kailangan ng pahinga upang lumakas ang kalooban na harapin ang mga susunod pang paglalakbay. Dahil dito, nagkakaroon ng pababago sa pagtingin ng sumasangguni sa kanyang karanasan o suliranin – sa pag-abot sa tuktok ng bundok, mas lumalawak ang pananaw sa pinanggalingan, sa pinagdaanan, at sa pinagtatayuan sa kasalukuyan.

Naiintindihan kong simula pa lang din ito ng aking sariling paglalakbay bilang isang sinasanggunian. Alam kong marami pa akong matututunan at mararanasan sa aking pakikipagkapwa lalo na sa mga sumasangguni sa akin. May mga kagamitan pa sa paglalakbay na makakamtan sa pag-aaral ng Sangguniang Pastoral at sa mga praktikal na takda na tulad nito. May mga bigat din akong dapat na bawasan sa aking kagamitan tulad ng mga hindi inaasam na payo at panghuhusga. May mga makikilala pang mga katoto sa paglalakbay sa sasamahan patungo sa santuwaryo na patutunguhan. At may mga biyayang ipinagkaloob sa akin na kailangang hatiin upang marami ang makinabang. Ako mismo ay makikibaka sa isang paglalakbay: sa pagsunod at pakikisama sa kamanlalakbay, sa pakikipasan at pakikibahagi sa bigat ng nararamdaman, at sa pag-abot sa tuktok ng bundok ng bagong pananaw at paghinga.

deo gratias.

salamat kay vea alvaro na tumulong na maisaayos ang reflection na ito :)

2 comments: