Ipinasa bilang isang "reflection paper" sa kursong Sangguniang Pastoral
Isa sa mga mahalagang bagay na natutunan ko sa ating pag-aaral ng Sangguniang Pastoral ay ang kahalagahan ng tamang pagtitimpla ng sarili. Sa sanggunian, lalo na sa pag-iisip ni Dan Montgomery at Everett Shostrom, kailangan ding timplahin ang mga sulok ng sarili – hindi maaaring maglabis o magkulang sa isang aspeto lamang dahil ito ay tutungo sa pagka-bara. Kailangan tumungo sa gitna – tamang-tama lang. Mahalaga ang tamang timpla sa ating buhay.
Habang pinagiisipan ko ang mga isusulat sa pagninilay na ito, naisipan kong magtimpla ng iced tea. Sa una, naparami ang lagay ko ng powder ng iced tea sa aking baso, kaya medyo matapang ang halo nang tinikman ko ito. Dahil dito ay naisipan kong dagdagan ng tubig ang aking tinimpla, ngunit naging malabnaw ang lasa nito. Kaya’t dinagdagan ko pa ng kaunting powder, hinalo ng mabuti, at di lumaon ay nakuha ko ang tamang timpla sa aking panlasa: tamang tamis, tamang tubig, tamang halo, tamang lamig, at tamang tapang.
Maraming bagay din sa ating buhay na tila kailangan ng pagtitimpla. Sa basketball, hindi pwedeng sobra ang pagbuslo sa bola, o kaya naman ay kaunting puwersa lang ang ilagak sa pagtira ng bola sa ring. Sa pagmamaneho ng sasakyan, lalo na ng mga manual na sasakyan, mahalaga ang papel na ginagampanan ng clutch, dahil ito ang naghuhudyat ng tamang pag-apak sa pedal ng gasolina o sa pedal ng brake. Hindi rin pwedeng masyadong matulin sa mga kalsadang matao, at di rin naman pwedeng sobrang bagal sa isang highway. Sa pagtugtog ng gitara, hindi pwedeng masyadong mabilis o mabagal lagi ang pag-strum ng string nito dahil may sinusundang tempo ang bawat awiting tinutugtog. Ilan lamang ito sa mga halimbawa kung saan kailangan na nasa tamang timpla ang mga bagay. Ito ang hamon na aking nakita bilang isang sinasanggunian: na tulungan ang sumasangguni na makamtan ang tamang timpla ng kanyang kalakasan, kahinaan, galit, at malasakit sa buhay.
Napagtanto ko na ang sanggunian ay isang proseso ng pagtitimpla. Sa pagtitimpla, may tatlong bagay na kailangang pagtuunan ng pansin at kailangang tandaan.
Una, kailangang alamin muna ang nais na timplahin. Ito ay mangyayari kung may pagkilala o paghawak sa mga sangkap na titimplahin upang mabuo o makamtan ang hinahangad. Mahalaga na maintindihan ng sumasangguni sa pamamagitan ng sinasanggunian ang apat na sulok ng kanyang sarili: ang kalakasang taglay, ang kahinaang napapaloob, ang galit na namumuo, at pagmamalasakit na nag-uugnay. Ito marahil ang pinakamahalagang bagay na dapat panghawakan sa pagsisimula ng sanggunian upang maging epektibo ang buong proseso.
Ikalawa, kailangang kilalanin din ang mga sobra o kulang sa buhay. Sa bawat sobra at kulang, dito tila namumuo ang bara na humahadlang sa tao upang maging tunay na malaya. Noong nakaraang linggo ng madaling araw, nagsilbi ako bilang isa sa mga sinasanggunian sa World Youth Day celebration sa loob ng Ateneo. Nabatid ko na lumalabas ang apat na aspetong ito sa mga pagbabahagi ng mga sumasangguni. May taong sobrang magbigay ng sarili sa kanyang mga gawain sa Simbahan na nagbunga sa pagkapabaya niya sa kanyang pag-aaral at kalusugan. May tao namang hindi makapagtaya sa kanyang napiling paraan ng paglilingkod dahil pakiramdam niya na hindi niya kayang makapagbigay ng sarili rito. May taong puno ng galit sa magulang dahil sa bigat ng responsibilidad na ipinapasan niya sa pagtataguyod ng kanyang mga kapatid. May tao naman sa sa sobrang pagmamahal niya sa kanyang kasintahan ay kaya niyang tiisin ang pandaraya na ginagawa nito sa kanya. Tunay nga na may mga “labis” tayo sa ating buhay at kailangang kilalanin at panghawakan ang mga ito.
Ang ikatlo at pang huli upang makarating sa “gitna” at makuha ang tamang timpla ay pangangailangan ng paggamit ng “aritmetik ng buhay.” May mga aspeto ng sarili na dapat dagdagan upang mabalanse ang lakas at kahinaan, o kaya naman ay dapat bawasan upang hindi mabara sa sobrang galit o malasakit. Minsan may bahagi rin sa sarili na kailangang paramihiin o di naman kaya ay hatiin upang makita ang bunga ng bawat sulok ng loob. Hindi madali timbangin, sukatin, bawasan, dagdagan, o kahit haluin ang nasa loob. Sa katunayan, ito ay isang proseso na patuloy na ginagawa at nagaganap, dahil ang pagpunta sa “gitna” ay isang paglalakbay na hindi nakukuha ng isang subok lamang.
Tila ang buhay natin ay tumatakbo sa isang malaking pagtitimpla: ng sarili lalo na ang mga bagay na nasa ating loob, ng sarili sa ating pakikipagkapwa sa iba, at ng sarili patungo sa Diyos. Minsan, ang pagkuha ng tamang timpla ay hindi nakukuha sa madalian; bagkus, ito ay nakakamtan sa patuloy na pagkilala at pagbalanse ng sarili. Bilang sinasanggunian, hinahamon ako na kunin din ang tamang timpla sa aking sariling buhay: na alamin ang nais timplahin at ang mga sangkap nito, na maging mapagmatyag sa mga sobra at kulang sa loob, at maging bukas sa proseso ng pagtitimbang at pagtitimpla upang makuha ang tamang lasa sa buhay.
deo gratias.
salamat kay vea alvaro na tumulong na maisaayos ang reflection na ito :)
No comments:
Post a Comment