18 December 2011

Makinig. Manahimik. Manalig. (Isang pagninilay sa ikatlong araw ng Misa de Gallo)


Isang homiliya na ibinigay noong ikatlong araw ng Misa de Gallo sa Santo Cristo de Las Pinas Parish

reklamo. tila bahagi na ng ating buhay bilang mga pilipino ang pagrereklamo. marami tayong mga reklamo sa buhay. walang tubig o kuryente, magreklamo. mataas ang presyo ng bilihin, magreklamo. mababa ang sahod, magrelamo. kung mainit, gusto ng malamig. kung malamig, gusto ng mainit. kapag sobra, bawasan. kung kulang, dagdagan. pag pangit ang pamamalakad, magprotesta. may mga reklamong nasa katuwiran, may mga reklamo rin namang wala sa hulog. ika nga, kapag may katuwiran, ipaglaban mo. pero meron din naman na nasagi ka lang pero feeling mo ay sinaksak ka na ng bonggang-bongga. ilan lang ito sa pagkarami-raming reklamo natin sa ating buhay.

marahil ganito rin ang nasa isip ni maria sa ebanghelyo. noong nagpakita sa kanya ang anghel gabriel at ipinahayag sa kanya ang balitang siya'y maglilihi ng isang lalaking sanggol na magngangalang hesus, posible na may pagrereklamo siya sa kanyang isipan. paano ba naman, siya ay nakatakdang ikasal kay jose, at kung siya'y magdalang tao bago ikasal, maaaring makasira ito sa kanilang relasyon. kung siya ay nabuntis bago ikasal, pwede na siya ay nagkaroon ng ibang relasyon bukod kay jose, o di naman kaya ay hindi siya naging tapat sa kanyang magiging asawa. at mas malala pa rito, ayon sa batas ng mga hudyo, ang sino mang mabuntis bago ikasal ay nagkakasala ng pakikiapid, at dapat lang na batuhin hanggang kamatayan.

ngunit, sa halip na magreklamo, iba ang sagot ni maria sa mensahe ng anghel: "mangyari nawa ang iyong kalooban." sa kabila ng mga posibleng mangyari sa kanya sa pagdadalang-tao kay hesus ay tinanggap niya ang kalooban ng diyos sa kanyang buhay. natuto siyang manahimik at makinig sa mensahe ng diyos, at lalo na ang manalig dahil naniniwala siyang hindi siya pababayaan ng diyos.

makinig. inaanyayahan tayo ng diyos na makitungo sa kanya sa ating pang araw-araw na buhay. sa panahon na nakakabit ang earphones sa ating mga tenga, sa mga pagkakataong mas nananaig ang maiingay sa lipunan, sa mga oras na mas nais nating mag-ingay, baka nakakalimutan nating makinig sa mga mensahe ng diyos sa ating buhay. tulad ni maria, matutunan nawa nating makinig sa mensahe ng diyos at tuparin ito sa paraang abot-kaya natin. ngunit bago ito, nagsisimula ang pakikinig sa pananahimik.

manahimik. sinasabi nila na kapag pinagbali-baliktad ang mga letra sa salitang LISTEN ay mabubuo ang salitang SILENT. may mga mensahe siya na ating mapakikinggan lamang kung ninanais nating makinig sa kanya. ang panahon bago magpasko ay hindi lamang panahon upang mag-party at mamili. bagkus, ito nawa ay maging pagkakataong manahimik upang mas malinaw nating mapakinggan ang kanyang mensahe sa atin.

manalig. sinabi nga ng anghel kay maria, "huwag kang matakot!" ang katagang ito ay matatagpuan sa biblia ng 365 na ulit. sa mga pangamba at takot na bumabalot sa ating buhay, inaanyayahan tayo ng diyos na manalig sa kanya. sa mga pagsikat at paglubog ng araw, inaanyayahan tayo ng diyos na kumapit sa kanya, dahil "walang imposible para sa diyos."

makinig. manahimik. manalig. nawa ang panahon ng ating paghihintay na isilang si kristo sa ating mga puso ay magdulot ng kapanatagan ng loob sa kanya. si maria ay hindi lamang nagdalang-tao, kundi nagdalang-diyos, nagdalang-kristo, na siyang katuparan ng kalooban ng diyos sa kanyang buhay. nawa sa pagtupad ng kalooban ng diyos, tayo rin ay magdalang-diyos: na makita ng iba ang pag-ibig at presensiya ng diyos sa ating pagkilos at pananalita. amen.

No comments:

Post a Comment