19 December 2011
Nakaka-alala at naaalala tayo ng Diyos (Isang pagninilay sa ika-apat na araw ng Misa de Gallo)
Isang homiliya na ibinigay noong ika-apat na araw ng Misa de Gallo sa Santo Cristo de Las Pinas Parish
limot. isa sa mga pangkaraniwang karanasan ay ang makalimot o may makalimutan. may mga bagay na nawawala kasi sila ay nakakalimutan kung saan nilagay o tinago. may mga taong naiiwan sa lakad kasi nakalimutang sabihan o puntahan. may mga karanasan na pilit kinakalimutan kasi may dala itong sakit sa kalooban. may paglimot na sinasadya, may paglimot din na hindi inaakala. ngunit, may mga bagay din na hindi malimutan, o di naman kaya't mahirap malimutan. ito ay nakikita sa mga "first" sa ating buhay: first love, first kiss, first girlfriend, first time. ito rin ay madalas na napapansin sa mga mahalagang bagay: pagsipliyo, pagligo, paghugas ng kamay bago kumain, pagdarasal bago matulog, pagsimba tuwing linggo.
sa ating ebanghelyo ngayon ay nakilala natin si zacharias, isang punong pari sa templo. nagpakita sa kanya ang anghel gabriel at nagpahayag ng balita na tulad ng narinig natin kahapon sa ating mga pagbasa: maglilihi ang kanyang asawang si elizabet ng isang lalaking sanggol, at ang bata ay magngangalang juan. hindi makapaniwala si zacharias dahil may edad na ang kanyang maybahay. sa halip, siya ay natawa sa pahayag ng anghel. dahil dito, siya ay naging pipi at hindi nakapagsalita hanggang naipanganak ang kanyang anak na si juan.
magandang suriin natin ang ibig sabihin ng pangalang "zacharias." ang ibig sabihin nito ay "nakaka-alala ang diyos." nakaka-alala ang diyos at tayo ay inaalala niya. nakikita ito sa samu't-saring mga pagbasa sa banal na kasulatan. naalala ng diyos ang kanyang pangako sa kanyang sanilikha. pinatigil niya ang ulan at delubyo na nagtagal ng 40 araw dahil naalala niya ang kanyang pangako at tipanan sa tao. napigilan niya ang pagpatay ni abraham kay isaac dahil naalala niya ang kanyang ibinigay na pangako sa kanya na anak na dadami pa sa mga bituwin sa langit. sinabi ng nagtitikang magnanakaw sa krus kay hesus na alalahanin siya kapag siya ay nasa kanyang kaharian na. ilan lang ito sa mga maraming pagpapatotoo sa banal na kasulatan na hindi nalilimutan ng diyos ang kanyang tipanan at pangako sa atin. kahit na hindi tayo madalas na matapat sa ating relasyon sa kanya, laging tapat ang diyos sa atin sapagkat lagi niyang naaalala ang kanyang pangako ng pag-ibig at pag-aaruga sa atin.
ngunit hindi lamang dapat dito matigil ang mabuting balita. oo, nakaka-alala ang diyos at naaalala tayo ng diyos, ngunit lagi rin naman nating alalahanin siya sa ating buhay. huwag nating limutin ang kanyang taglay na kapangyarihan sa ating buhay. bagamat hindi lahat ng kahilingan natin ay nasusunod, o di naman kaya'y iba ang ibinibigay ng diyos, o minsan pa nga ay nahuhuli ang pagkakatotoo ng ating kahilingan, asahan nating hindi tayo nalilimutan ng diyos. at dahil dito, huwag din natin siyang kalimutan sa ating buhay. madaling masaringan ng paglimot ang kapaskuhan: may christmas tree pero walang belen, may pagbati ng "happy holidays" pero nakakalimutan ang "merry christmas", may samu't saring regalo pero wala ang batang hesus sa ating piling. tulad ng hindi paglimot ng diyos sa ating buhay, huwag rin sana nating ipag-isang tabi lamang ang presensiya at pamamalagi ng diyos.
sa huli, inaanyayahan tayo ng diyos na patuloy na maniwala at magtiwala sa kanya. sa kabila ng ating mga agam-agam at kawalan ng pag-asa, sa mukha ng mga karanasan ng trahedya at pagkawasak na panloob at panlabas, ating ipinapaalala ng diyos ang ibig sabihin ng pangalan na zacharias: nakaka-alala ang diyos, at naaalala tayo ng diyos na siyang emmanuel, nasa ating piling at sumasaatin. amen.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment