18 March 2012
Pagtanggap, Pag-amin, Pagpapatuloy
Tomorrow, I will be admitted to candidacy for the diaconate and priesthood – one of the “last few steps” in seminary formation before ordination. In line with this, I will be posting some fruits of my days of prayer and reflection in preparation for the said activity last weekend at Sacred Heart Novitiate.
Admission to Candidacy to the Diaconate and Priesthood. Ano ba talaga ito?
Hindi pa naman ito ordinasyon sa pagka-diakono o sa pagpapari. Hindi naman ito ganoon kalaking pagdiriwang kumpara sa mga nabanggit na ordinasyon. Ngunit bakit siya lubhang malahaga?
Siguro, dahil ito ay nangangahulugang malapit na o palapit na sa ordinasyong matagal na pinakahihintay. Siguro, dahil ito ay naguhudyat ng pagsusuot ng singsing bilang tanda ng pamumuhay ng "promise of celibacy" sa siyang bahagi ng buhay pagpapari. O di naman kaya siguro'y may iba pang kahulugan ito.
May tatlong salita na puwedeng i-ugnay sa salitang "Admission" sa wikang Filipino: una ay ang PAGTANGGAP, ikalawa ay PAG-AMIN, at ikatlo ay PAGPAPATULOY.
PAGTANGGAP. Sa Admission to Candidacy, tinatanggap ko ang biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng isang mas malalim at mas konkretong pagtugon sa tawag niya sa pagpapari. Tinatanggap ko na malapit na ako sa susunod na yugto ng paghuhubog sa buhay pagpapari: ang ordinasyon. Tinatanggap ko na may kaakibat na responsibilidad ito, at hindi ito biro o laro lamang. Sa pagtanggap nito, kailangan kong tanggapin ang aking sarili bilang minamahal at tinatawag ng Diyos. Kailangan ko ring tanggapin ang tawag niya na lalo pang ag-ibayuhin ang aking paghahanda at pagtanggap sa biyayang ihinahanda niya para sa akin. At sa pagtanggap na iyo, ako ay nagpapasalamat sa Diyos.
PAG-AMIN. Sa Admission to Candidacy, hindi ko lang inaamin na tinatawag at minamahal ako ng Diyos. Kailangan ko ring aminin na hindi ko kayang tugunan ito nang mag-isa. Kailangan ko ring aminin na sa kabila ng aking kalakasan ay may taglay din akong kahinaan at pangangailangan. At dahil dito, kailangan ko ring aminin ang aking pananalig at pag-asa sa Diyos. Kailangan ko ring aminin na hindi madali ang aking pag-pili. Kailangang aminin na may mga posibilidad sa aking buhay na magiging imposible dahil tatalikuran ko ang mga ito para sa kanyang tawag. At muli, hindi ko ito kayang mag-isa. Aaminin ko sa Diyos at sa taong bayan ang aking pagnanais na sumunod at mabuhay ng isang payak at buong-pusong pamumuhay upang makatugon ako lalo sa tawag niya.
PAGPAPATULOY. Sa Admission to Candidacy, pinapatuloy ako ng obispo bilang isang ganap na hinirang sa bokasyon na ito. Pinapatuloy ako bilang isang seminaristang diyosesano na nagnanais na tanggapin ang biyaya ng ordinasyon sa takdang panahon. Pero higit pa rito, pinapatuloy din ako ng Diyos na sundin ang kanyang tawag, dahil sa kanyang kabutihan at pagmamahal sa akin. At sa kanyang pagpapatuloy ay tinatawag akong magpatuloy na tumugon at maging mapagkilatis sa kanyang kalooban sa bawat sandali ng aking buhay.
Nawa sa Admission to Candidacy na aking tatanggapin ay maipagpatuloy ko ang pagtugon sa kanyang tawag bilang paghahanda sa isang mas matindi at mas malalim na paanyaya upang magmahal at maglingkod sa kanya at sa mga taong ihinahabilin niya sa akin sa hinaharap.
deo gratias.
Labels:
#theroad2k13,
buhay josefino,
March to 19 2k12,
reflections
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
My prayers for you Kev's :)
ReplyDeleteGanda ng ring! Go go go! Kuya Kev for priesthood! ;D
ReplyDeletesalamat classmate from way back in the minor seminary! hahaha
ReplyDeletesalamat din sister!