01 July 2012

Bumaling. Makinig. Maniwala at manampalataya. (Isang pagninilay sa ika-labintatlong linggo sa Karaniwang Panahon)


Bahagi ng homiliya na ibinigay noong ika-labintatlong linggo sa Karaniwang Panahon sa National Shrine of Our Lady of Guadalupe at sa kapilya ng Barrio Visaya, Guadalupe Nuevo, Makati City

Narinig natin sa ating ebanghelyo ngayong linggo ang dalawang kuwento ng paghilom: una, sa babaeng anak ni Jairo, isa sa mga tagapangalaga ng sinagoga, na sinasabing nasa bingit na ng kamatayan noong panahong iyon; at ikalawa, sa babaeng nagdurugo ng labindalawang taon na pumilit na makalapit kay Kristo noong nalamang siya ay naroon sa kanilang pook.

Mapapansin natin na tila naka-"sandwich" o nakalagay sa gitna ang ikalawang kuwento ng paghihilom sa kuwento ng pagpapagaling ng anak ni Jairo. Ngunit iisa lang ang patutunguhan ng parehong kuwento: ang babaeng anak ni Jairo ay napagaling at nabigyan ng bagong buhay bagamat inakala ng iba na siya ay namatay na, at ang babaeng nagdurugo ng labindalawang taon ay gumaling din sa pamamagitan ng kanyang pananalig kay Kristo, na kahit mahawakan man lang niya ang laylayan ng damit ni Kristo ay siya'y magagawaran ng kagalingan at paghilom.

Mapapansin din natin sa kuwento na may dalawang kapangyarihang umiiral: una, ang kapangyarihan ni Kristo na humilom at magpagaling ng maysakit at kahit pa magbigay-buhay sa tila nasa bingit na ng kamatayan; at ikalawa ay ang kapangyarihan ng paniniwala at pananampalataya ng mga taong humihingi ng tulong at paghilom kay Kristo.

Sa umagang ito, nais kong pagnilayan ang tema ng pagtitiwala at pananampalataya na siyang nakita natin sa halimbawa ni Jairo at ng babaeng nagdurugo ng labindalawang taon.

Alam natin na ang buhay natin ay umiikot at naka-ankla sa pagtitiwala. Sa bawat sandali ng ating buhay, tayo ay nagtitiwala sa mga tao at bagay sa paligid natin, na hindi tayo madadala sa kapahamakan, disgrasya, o panganib. Higit sa lahat, tayo ay nagtitiwala sa Diyos na siyang pinagmumulan ng ating buhay at mga biyaya.

Ngunit ang tiwala ay isang pangunahing hakbang patungo sa isang mas malalim na magtitiwala: pagtitiwala sa Diyos bilang sentro ay ugat ng ating buhay. Ito ang pananampalataya: isang tugon ng pagtitiwala at pagmamahal sa kabutihan ng Diyos. Ito ang nakita natin kay Jairo at sa babaeng nagdurugo ng labindalawang taon - lumapit sila kay Hesus, nanalig sila sa kanyang kapangyarihan, at lumalim ang kanilang pananampalataya sa kanya.

Kaya sa ating pagninilay, magandang tanungin natin ang ating sarili:

Sa panahon ng hirap, sakit, kahinaan, at pagsubok, kanino ako bumabaling? Kanino ako unang lumalapit? Kanino ako dumudulog ng tulong? Napadali na ng teknolohiya at siyensiya ang ating buhay, lalo na sa larangan ng pagpapagaling. At tama lang na gamitin natin ito sa ating buhay lalo na sa mga matinding suliranin. Ngunit huwag nating kalimutan ang Diyos na siyang pinagmulan ng paggaling at paghilom, ang siyang ugat at puno ng ating buhay at kalakasan. Tulad ni Jairo at ng babaeng nagdurugo ng labindalawang taon, kay Kristo ba tayo unang tumatakbo? Sa Diyos ba tayo unang dumudulog ng tulong? Naaalala ba natin siya sa mga panahon ng hirap, pagsubok, kahinaan at sakit? Siya ba ang una nating nilalapitan? 

Sa dami ng boses sa mundo ngayon na maraming sinasabi, kanino ako nakikinig? May mga nagsabi na kay Jairo na namatay na ang kanyang anak. Ngunit sabi ni Kristo, "Huwag kang mangamba, manalig ka!" Tulad ni Jairo, marami tayong boses na naririnig sa mundo. Maraming sinasabi, maraming kuro-kuro, maraming alam kung minsan. Ngunit kaninong boses ang ating pinakikinggan? Ang boses ng nakararami na tila gumugulo sa ating isipan? O sa boses ni Kristo na nagbibigay ng paalala na huwag tayong mangamba at sa halip ay manalig sa kanya? 

Sa kabila ng kahinaan ng loob, pagdududa at kawalan ng pag-asa, kanino ako naniniwala at nananampalataya? Maraming tao ang lumapit kay Hesus, ngunit hindi ito naging hadlang sa babaeng nagdurugo ng labindalawang taon na lumapit sa kanya at manalig upang siya ay gumaling. Kahit mahawakan man lang niya ang laylayan ng kanyang damit, naniwala siyang gagaling siya, at ito nga ang nangyari. Dito natin nakikita ang lakas ng kanyang paniniwala at pananampalataya kay Hesus. Tulad niya, gaano kalakas ang ating pagtitiwala sa Diyos? Gaano katibay ang ating pananampalataya kay Kristo? Handa ba tayong suungin ang dami ng tao na tila nagpapalayo sa atin sa piling ni Hesus upang mahawakan siya at mabigyan ng paghihilom at bagong buhay?

Kay Kristo tayo bumaling. Kay Kristo tayo makinig. Kay Kristo tayo maniwala at manampalataya! 

deo gratias.

No comments:

Post a Comment