Paa. Sinasabi na ang paa ang isa sa mga pinakamaruming bahago ng katawan. Kasi naman, samu't-saring dumi and nakakasalamuha nito kapay tayo ay naglalakad o kahit pa nga kapag nakatayo. Kaya nga siguro naimbento ang tsinelas, sapatos, medyas, foot powder, pedicure, cuticle remover, nail cutter, nipper at kung anu-ano pa para mapanatiling malinis ang ating mga paa. Minsan nga sa paliligo ang paa ang madalas nakakalimutang linisin. Sa bagay, naaagusan naman siya ng sabon at tubig kapag naliligo. Pero sa paa rin nakikita ang iba't ibang uri ng mga bagay na nakakadiri: patay na kuko, kalyo, paltos, alipunga, at siyempre ang amoy ng paa. Siguro nga kaya sinasabi na kung gusto mo malaman kung paano inaalagaan ng babae ang kanyang sarili ay tignan mo ang kanyang paa dahil ito na malamang ang pinakamahirap alagaan na bahagi ng katawan ng tao. Kaya uso ang pedicure, foot spa, nail spa, at kung anu-ano pang mga lugar kung saan inaalagaan ang ating mga paa.
Paa. Ito rin siguro ang isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng katawan ng tao. Kung walang paa, hindi tayo makakalakad at makakapunta sa ibang lugar. Siguro nga kaya ganito ang hugis ng paa: pahaba, may makapal, may manipis, depende sa uri at hugis ng katawan upang makagalaw ng mabuti. Para sa akin, mahalaga ang paa lalo na para sa aking mga libangan at gawain. Sa basketball, mapilayan na ako sa kamay, huwag lang sa paa kasi apektado ang lahat ng gawain ko kapag napilayan ito: mahirap lumakad, magdrive, pumunta sa ibang lugar, magbuhat, at iba pa. At least sa kamay o braso may isa pa, ngunit mahirap maglakad ng isa lamang ang paa kahit may saklay o wheelchair ka pa.
Marami pang ibang gamit ang paa. Kailangan ng paa sa karamihan ng sports o palakasan. Pagdating sa takbuhan, kailangan mo ng paa. Sa basketball, soccer, swimming, badminton, halos lahat ng sports, kahit sa chess kasi kailangan mong tumayo matapos ang laro, mahalaga ang paa. Puwedeng gamitin ang paa upang depensahan ang sarili, kaya nga may karate, taekwondo, muay thai, mixed martial arts, at iba pa. Ngunit maaari ring gamitin ng paa sa mga bagay na hindi nararapat. Masakit matapakan o masipa. Maaaring gamitin ang paa upang pumunta sa mga lugar na hindi dapat pinupuntahan. Maaari nating tapakan ang mga karapatan, pangarap, at buhay ng ibang tao.
Paa. sa paghugas ni Kristo ng paa ng kanyang mga alagad, hindi natin maiwasang itanong: ano nga ba ang meron sa paa? Bakit sa dinami-rami ng pwedeng hugasan ni Hesus, bakit paa pa? Ano ang kahulugan ng paghugas ni Hesus ng paa ng kanyang mga alagad? Ano ang maaari nating matutunan sa ginawang ito ni Hesus?
Sa ebanghelyo ni San Juan, walang matatagpuang eksena ng huling hapunan, ngunit dito lang din natin mababasa ang paglalahad ng paghuhugas ni Hesus ng mga paa ng kanyang mga alagad. Sinasabi na may kahulugan ang pagbibigay-diin ni Juan sa eksenang ito. At nais kong gamiting ang salitang PAA sa pagninilay na ito.
P. Paglilingkod. Sa paghugas ng paa, may iniiwan na halimbawa si Hesus sa kanyang mga alagad: ang halimbawa ng paglilingkod. Sa kanilang konteksto, tanging mga alipin lamang ang siyang naghuhugas ng paa, at ito ang paa ng kanilang mga pinuno. Mahalaga sa kanila ang paglilinis ng paa dahil ito ay isang ritual ng "cleanliness" at "purity." Ang mga madudumi at nakakadiring mga bagay ay nakalaan lamang sa mga alipin. Kaya nga ganun na lang ang reaksyon ni Pedro nang malaman niyang huhugasan ni Hesus ang kanyang mga paa: dapat sila ang naghuhugas ng kanyang paa at hindi si Hesus, ang kanilang pinuno at guro, ang gumagawa nito sa kanila. Ngunit ito ay may kahulugan para kay Hesus: iniiwan niya sa kanyang mga alagad ang atas na maglingkod - maglingkod na tulad ng paglilingkod niya, na ituloy nila ang paglilingkod na sinimulan ni Hesus, ang paglilingkod sa mga maliliit sa lipunan, sa mga inaapi, sa mga tinuturing na madumi at nakakadiri.
A. Alay. Sa paghugas ng paa, ipinapakita ni Hesus ang kanyang pag-aalay ng buhay. Ito ay isang "review" o "foretaste" ng mas malaking pag-aalay na gagawin niya: ang pag-aalay ng buhay niya sa krus. Siya na Diyos, siya na dapat pag-alayan, siya na dapat paglingkuran... siya mismo ang nag-aalay, nagpakababa, at niyakap ang ating katauhan upang tayo ay maligtas, kahit kamatayan ang katapat. Sa ilang sandali noon, si Kristo, ang nagpapagaling ng may sakit, nagpapakain ng nagugutom, nagbibigay ng turo na magmahal, ay ipapako sa krus, na tinaguriang pinakanakakahiyang uri ng kamatayan at parusa. Inaalay ni Kristo ang kanyang buhay upang tayo ay maligtas, nagpakababa upang tayo ay umangat, namatay upang tayo ay mabigyan ng buhay.
A. Alaala. Sa paghuhugas ng paa, nagiiwan si Hesus ng alaala sa kanyang mga alagad, isang alaala na kailangan nilang alalahanin at gawin. Hindi lang basta alaala na sasariwain sa isip kundi kanilang dapat na isabuhay. "Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin." Isang ala-ala na isinasabuhay sa puso, sa isip, sa gawa. At ito ang inaalala sa paghuhugas ng paa: hugasan natin ang paa ng bawat isa, maglingkod kahit sa marumi, sa nakakadiri, kahit masakit at nakakahiya. Ialay ang sarili sa mga inatas sa atin na tungkulin sa pamilya, sa pamayanan, sa kapwa. Sa ating karumihan at kasalanan, hinuhugasan ni Hesus ang ating mga paa upang ipaalala sa atin na kailangan din nating hugasan at halikan ang paa ng iba.
Paa. Nawa ang paghugas ng paa ni Hesus sa kanyang mga alagad ay magsilbing halimbawa at tanda na tayo ay maglingkod sa ating kapwa, na ialay ang ating sarili upang mabigyan ng buhay ang iba, at alalahanin at isabuhay ang kanyang utos na magmahal at maglingkod sa bawat isa lalo na sa mga maliliit, sa mga nasa huli, at sa mga naliligaw ng landas.
Kevin Luther C. Crisostomo
7 June 2k12
Mount Peace, Baguio City
8 Day Pre-Diaconal Retreat
AM+DG
No comments:
Post a Comment