14 June 2012

Tiwala


Tiwala.
Isa sa mga bagay na kapag nawala, mahirap nang ibalik.
Kapag nasira, mahirap nang ayusin.
Kapag di inalagaan, mahirap nang balikan.

Tiwala.
Ang buhay natin ay naka-ankla sa tiwala. Sa araw-araw, nananaig ang tiwala.
Sa pagising sa umaga, nagtitiwala ka na sisikat ang araw, nagagalaw mo pa ang iyong katawan, hindi ka niloloko ng orasan, at hindi ka ginu-good time ng kalendaryo.
Sa pag-galaw, nagtitiwala ka na hindi ka lalamunin bigla ng lupa, o di naman kaya't guguho ang pasilyong nilalakaran mo.
Sa pagkain, nagtitiwala ka sa nagluto na hindi niya nilagyan ng Dora rat killer ang corned beef mo sa agahan.
Sa pakikisalamuha sa kapwa, mahalaga ang tiwala.
Nagtitiwala ka na nagsasabi ng totoo ang kausap mo, na hindi ka niya binabarbero o niloloko, na wala siyang tinatago sa iyo.
Nagtitiwala ka sa driver ng jeep o MRT na hindi ka niya ipapahamak o ilalagay sa aksidente o disgrasya.
Nagtitiwala ka sa guro na tama at too ang tinuturo niya.
Nagtitiwala ka sa magulang mo, sa mga nakatataas sa iyo, na ang bawat desisyon ay para sa iyong kapakanan.
At higit sa lahat, nagtitiwala ka sa Diyos na sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw at kahit na sa pagsapit ng dilim ay mahal ka niya at lagi ka niyang pinapatnubayan at ginagabayan.

Tiwala.
Ang tawag sa taong walang tiwala sa sarili ay praning. Sa ingles, paranoid.
Hindi nagtitiwala, walang tiwala, hindi madaling magtiwala.
Gusto niya siya palagi ang may hawak ng situwasyon.
Kung pumalpak, may "Plan B" agad.
Dapat alinsunod sa plano, alinsunod sa sukat, tugma, wasto, dapat lapat.
Lahat maayos, lahat nasa lugar.
Bawal ang wala sa hulog.
Hindi pwede ang basta-basta.

Tiwala.
Ang tawag naman sa taong sobra ang tiwala sa sarili at kampante. Sa ingles, overconfident, self-assured.
Sobra at madalas ay naguumapaw ang tiwala sa sarili.
Lahat kaya, kaya lahat.
Walang imposible. Walang hambalang sa plano.
Hawak man ang situwasyon o hindi, banat lang nang banat.
Walang problema kung pumalya. Laban lang. Sugod pa rin.
Di na bale kung wala sa plano, o kahit walang plano.
Strike anywhere. Who cares?
You only live once. Ito na yun at wala nang iba pa.

Tila lahat tayo may taglay na kapraningan at kakampantehan sa buhay.
Marahil bahagi ng buhay natin ang may tiwala at minsan ay wala.

Tiwala.
Sino ba ang mga pinagkakatiwalaan natin?
Kanino ba tayo nagtitiwala?
Bakit tayo nagtitiwala?
Hanggang saan ang ting tiwala?
Sa pagiging kampante, bakit madaling magtiwala?
Paano naudok na magtiwala sa sarili?
Paano lumakas ang tiwala?
At sa mga ka-praningan ng buhay, bakit hindi madaling magtiwala?
Bakit nasira ang tiwala?
Sino ang sumira ng tiwala?
At kailan ka handang magtiwala muli?

Kevin Luther C. Crisostomo
4 June 2k12
Mount Peace, Baguio City
8 Day Pre-Diaconal Retreat
AM+DG

No comments:

Post a Comment