Isang homiliya na ibinigay noong ika-anim na araw ng Misa de Gallo sa Santo Cristo de Las Pinas Parish
Ang ating ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pagdalaw ni Maria sa kanyang kamag-anak na si Elizabeth. Dito rin natin narinig ang pagbati ni Elizabeth kay Maria: “Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala naman ang iyong anak!” Ngayong umagang ito, magandang pagnilayan natin ang salitang
“pinagpala.” Ano nga ba ang kahulugan ng salitang “pinagpala”? Bakit nasambit ni Elizabeth ang salitang ito kay Maria? At ano ang kahulugan ng salitang “pinagpala” para sa ating lahat?
Maganda muna nating balikan kung sino nga ba ang dalawang babaeng ito: si Maria at si Elizabeth. Unahin muna natin si Elizabeth. Siya ay isang ordinaryo at simpleng babae na taga-Judah, at ang kanyang asawa ay si Zacheo. At kung naaalala niyo pa ang ebanghelyo noong Sabado, si Zacheo ay nabulag dahil sa kanyang reaksyon noong ipinahayag ng anghel na nagdadalang tao ang kanyang asawa. Bakit? Dahil wala silang anak at hindi sila magkakaanak dahil ang kanyang asawang si Elizabeth ay baog. Ayon sa paniniwala ng mga Hudyo, ang pagkakaroon ng anak ay isang kayamanan: kapag ikaw ay may anak, pinagpala ka ng Diyos. Bakit? Para sa mga hudyo, mahalaga ang pagpapatuloy ng lahi ng pamilya. Kapag may anak ka, may magtutuloy ng pangalan ng iyong pamilya, lalo na ng iyong ama. May magdudugtong ng iyong lahi.
Naaalala ko tuloy noong nagdesisyon akong pumasok ng seminaryo mga 13 taon na ang nakararaan. Hindi ako ineenganyong patuluyin ng aking mga magulang dahil pag pumasok daw ako ng seminaryo at ako ay naging pari, mapuputol na ang lahing Crisostomo sa sangay ng aking ama. Ako kasi ang nag-iisang anak na lalaki, at oo nga naman, kung naging pari ako, ay tila pinutol ko na ang isang sanga sa lahing Crisostomo.
Kaya’t para sa mga hudyo, kapag wala kang anak, malas ka! Bakit? Pinagkaitan ka ng kayamanan ng pagpapatuloy ng lahi at pangalan ng iyong pamilya. At para sa kanila, may mas malalim na kadahilanan ito: kapag wala kang anak o di naman kaya’y isa sa mag-asawa ay baog, kayo ay pinarurusahan dahil sa inyong kasalanan, o di naman kaya, sa kasalanan ng iyong pamilya. Sa ganitong situwasyon, masasabi nating hindi mapalad si Elizabeth dahil sa kanyang kalagayan. Kaya’t ganoon na lang ang kagalakan niya nang siya ay nagdalang-tao at ganun rin naman ang pagdududa ni Zacheo sa balitang ito.
Sunod nating tignan si Maria. Alam nating lahat na si Maria ay ang ina ni Kristo at maybahay ni Jose. Ngunit bago ang lahat, siya ay itinakdang ikasal kay Jose, ngunit bago pa sila ikasal, ay natagpuang siya ay nagdadalang-tao. Balikan natin muli ang mga kaugalian ng mga Hudyo tungkol dito: ayon sa mga batas ng mga hudyo, kapag ang isang babaeng ihinahanda sa kasal ay biglang nagdalang-tao o nabuntis, ang babaeng ito ay nakatakdang parusahan ng pagbato hanggang kamatayan. Dahil si Maria ay nagdalang-tao bago pa man din sila ikasal ni Jose, sa makatuwid, ayon sa batas ng mga hudyo, dapat parusahan si Maria ng pagbato hanggang siya’y mamatay. Dahil rito, hindi maaaring ituring na mapalad si Maria: sa mata ng tao, siya ay marumi at makasalanan.
Ngunit sa ebangelyo natin ngayon, narinig natin ang pagsasalubong ng dalawang buntis na ito: si Elizabeth na binigyan ng pagpapala ng anak sa kabila ng kanyang kalagayan, at si Maria na nagdadalang-tao kay Hesus, na tila hindi pinagpala dahil sa kanyang situwasyon. Ang nakakapagtaka rito, bakit si Maria pa ang siyang tinawag na “pinagpala” gayun naming siya pa nga ang hindi nasa mabuting kalagayan? Kaya ang mga katanungan natin ngayong umagang ito ay: Ano nga ba ang ibig sabihin ng “pinagpala”? Sino ba talaga ang pinagpapala? At bakit ipinagpapala ang tulad ni Maria na hinatulang makasalanan sa mata ng tao?
Una, ano nga ba ang kahulugan ng salitang “pinagpala?” Ang salitang pinagpala sa wikang ingles ay “blessed” – kapag ikaw ay pinagpala, ikaw ay binibigyan ng Diyos ng blessing. Binibigyan ka ng bagay na kailangan mo, ng pagkakataong hinihiling mo, ng kasagutan na matagal mo nang hinihintay. Pinagpala si Elizabeth dahil binigyan siya ng anak: si Juan Bautista na siyang pinsan ni Hesus. Pinagpala naman si Maria sapagkat binigyan siya ng anak, ngunit hindi lamang basta anak, kundi ang pinakahihintay na manunubos nating lahat: si Hesu-Kristo. Ito ang unang magandang balita sa atin ng Panginoon ngayong ika-anim na araw ng simbang gabi: Pinagpapala tayo ng Diyos! Binibigyan tayo ng Diyos ng blessing! Binibigyan tayo ng Diyos ng mga taong dadamay sa atin sa kabila ng lahat, ng sagot sa ating mga kahilingan, ng mga bagay na matagal na nating pinakahihintay!
Kaya ngayong patapos na ang taon, magandang bilangin natin ang ating mga blessing: Anu-ano ba ang mga blessing na binigay sa akin ng Diyos ngayong taong ito? At paano ako dinamayan ng Diyos sa pagbibigay ng blessing na ito sa akin.
Pero brother, blessing po ba kamo? Eh tila ngayong taon, mahirap atang magbilang ng blessing! Nariyan ang kaliwa-kanang bagyo na humagupit sa ating bansa. Sariwa pa rin sa ating isipan ang mga namatay sa hagupit ng bagyong Sendong kamakailan lamang. Hindi rin natin malilimutan ang epekto ng krisis pinansiyal, ang pagkawala ng trabaho sa karamihan sa atin, ang pagtaas ng presyo ng bilihin, at ang ang walang katapusang iringan at bangayan sa gobyerno.
Oo, mahirap hanapin ang blessing sa mundong ito ngayon, ngunit simulan natin sa mga simpleng pagpapakita ng blessing na ito sa ating buhay: ang pagpapalang hindi tayo nadapuan ng malubhang sakit o ang agarang pagbangon mula sa epekto ng bagyo, ang pagsasamahan ng ating pamilya sa kabila ng paghihirap na nararanasan natin, ang mga kaibigan at taong dumamay noong tayo’y nawawalan na ng pag-asa, ang pinakasimpleng katotohanan na tayo ay nakabangon mula sa ating pagkakatulog at humihinga ng sariwa at malamig na hangin nayong umagang ito, at iba pa. Mga kapatid, mas madaling tumingin lamang sa mga hindi magagandang bagay na nangyari sa atin, ngunit tulad ni Maria, hinahamon tayo ng Diyos na tignan at alamin ang mga magagandang bagay o pangyayari sa ating pang-araw-araw na buhay. Ito ang hamon sa atin ngayong umaga: Count our blessings! Magpasalamat tayo sa Diyos sa lahat ng idinulot niya sa atin ngayong taong ito, dahil siya ay isang ama na sa kabila ng ating kahirapan ay kailanma’y hindi tayo pababayaan. Dahil dito, tunay nga na masasabi natin na tulad ni Elizabeth at Maria, tayo rin ay pinagpala!
At ano naman ang gagawin natin sa pagpapalang ito? Nararapat lang na ibahagi natin ang pagpapalang ito sa iba. Hindi lamang dapat sino-solo ang pagpapalang ito; sa halip, dapat pa nga ay ihandog natin ang blessing na ito sa ibang tao. Ito ang ikalawang magandang balita natin ngayong umaga: Share your blessings! Ibahagi natin ang blessing na ito lalung-lalo na sa mga nangangailangan! Kahit maliit, kahit katiting, ang pagbabahagi ng blessing nawa ang ating tugon sa Diyos sa lahat ng kanyang iginawad sa atin ngayong taon, lalo na sa panahon ng kapaskuhan.
Inaanyayahan tayo ng ating ebanghelyo na alalahanin ang “oo” ni Maria na hindi lamang nagtapos noong tinanggap niya ang pagiging Ina ng Diyos kundi nagpatuloy bilang isang tunay Ina na ni Hesus hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Hindi lang siya nag-count ng kaniyang blessing, kundi naging blessing din siya para sa kanyang anak at para sa ating lahat bilang modelo ng tunay na pagbibigay ng sarili sa iba. Pagmasdan natin ang salitang “oo” – dalawang bilog, dalawang letra na walang simula at walang katapusan. Ganito rin ang “oo” ni Maria sa ating ebanghelyo ngayon: um-oo siya hindi lamang upang ipanganak si Hesus ngunit upang sundan din ang kanyang anak – kahit umabot pa sa pagkakataong makita niya ang kanyang mismong anak na naghihirap sa krus.
Pero, paano nga ba natin masasambit ang salitang “oo” sa panahong mahirap buhayin ang salitang “oo”? Sabi nila, tayong mga Pilipino, hindi raw tayo marunong tumanggi. Hindi tayo marunong magsalita ng “hindi”, puro na lang “oo” kahit hindi natin magawa. O di naman kaya’y, kung hindi natin masabi ang salitang “oo”, pansinin ninyo, ano ang sinasabi natin: “Titignan ko, ah basta yun nay un, oh sige”, pero hindi “oo.”
Mga kapatid, ang pag-oo ay hindi lamang paggawa ng hindi natin pinag-iisipan o tila tayo ay napipilitan lamang. Ang totoong pag-oo ay pagintindi at pagbuhay ng tawag sa atin ng Diyos – kahit na mahirap, kahit pa kamatayan ang kapalit. Sa pagpapatuloy ng ating pagdiriwang ngayong ika-anim na simbang gabi, hilingin natin sa Diyos ang dalawang biyayang ito: na matutunan nawa nating bilangin ang ating mga blessing sa buhay, at maging blessing tayo sa ibang tao, lalong lalo na sa kung saan tayo tinatawag ng Diyos upang maglingkod. Amen.